#Pride2024: RJ Estrella, kinoronahang Gay Queen of Baliwag 2024
#Pride2024: RJ Estrella, kinoronahang Gay Queen of Baliwag 2024

Isang makulay at masiglang gabi ang naganap sa Baliwag Star Arena noong May 27, bilang bahagi ng selebrasyon ng Buntal Festival, kung saan itinanghal ang mga bagong haring reyna ng komunidad ng LGBTQIA+. Sa gitna ng 20 kandidata, si RJ Estrella ang nakamit ang titulo bilang Gay Queen of Baliwag 2024.

Kasama rin sa mga nagwagi sina Yuki Ito na kinoronahan bilang Gay Queen of Baliwag – Tourism, Marian Sandoval bilang Gay Queen of Baliwag – Festival, Kit Kat Francisco bilang Gay Queen of Baliwag – Environment, at Stefanie Gutierrez bilang Gay Queen of Baliwag – Youth.

Ang matagumpay na programa ay nagpakita ng hindi matatawarang suporta at inklusibong pamumuno ni Mayor Ferdie Estrella sa komunidad ng LGBTQIA+. Ang kanyang pamahalaan ay aktibong nagpapakita ng malasakit at pagkilala sa mga karapatan at dignidad ng LGBTQIA+ community. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Estrella ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay at ang patuloy na pagsisikap ng kanyang administrasyon na lumikha ng isang mapagpalayang Baliwag para sa lahat ng mamamayan.

“Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang patimpalak kundi isang paggunita at paggalang sa ating pagkakaiba-iba. Bilang inyong punong lungsod, patuloy ang aking suporta at pagmamahal sa ating LGBTQIA+ community. Sama-sama nating itaguyod ang isang Baliwag na nagmamahal at kumikilala sa bawat isa,” ani Mayor Estrella.

Ang gabi ay puno ng sigla, kulay, at pagdiriwang, na nagsilbing patunay ng pagkakaisa at paggalang sa pagkakaiba-iba ng bawat isa sa Baliwag. Sa bawat pagtatanghal at pagharap ng mga kandidata, damang-dama ang pagmamalaki at kumpiyansa, na nagbigay inspirasyon sa lahat ng dumalo.

Ang nasabing patimpalak ay isa lamang sa maraming aktibidad na nagpatibay sa makulay at masiglang pagdiriwang ng Buntal Festival ngayong taon.

#BaliwagCity

#BuntalFestival2024

#GayQueenBaliwag