Upang bigyang-pagkilala at gunitain ang ika-50 taong anibersaryo ng kamatayan ang Baliwagenyang si Josefa Tiongson o mas kilala sa tawag na Pepita Tiongson noong Oktubre 26, 1974, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag katuwang ang Baliwag City Art, Culture and Tourism Office (CACTO) at Pangkat Saliksik ng Bayan (PASAKABA) ang pagpapasinaya sa panandang pangkasaysayan alay kay Pepita Tiongson, noong ika-26 ng Nobyembre na matatagpuan sa Baliwag City Glorietta Park.

Ang isinagawang programa ay may layon na mas kilalanin pa si Pepita Tiongson, siya ay tinuturing na paraluman ng Lungsod ng Baliwag, ang naging inspirasyon sa awiting “Jocelynang Baliwag” na isinulat ng rebolusyonaryo at manunulat na si Isabelo de los Reyes, ang musika ay batay sa palasak na kundiman sa Bulacan. Ang awitin ay itinuring na kundiman noong panahon ng rebolusyon ng mga Pilipino laban sa mga Kastila at pag-aalsa laban sa mga panibagong mananakop.

Nagpahayag ng paunang mensahe si CACTO Committee Chairperson Kon. Ogie Baltazar upang mas kilalanin pa si Pepita Tiongson. Samantala, binigyang buhay ni Bb. Ronalyn Parulan ang awitin na Jocelynang Baliwag.

Personal na nakiisa si Mayor Ferdie V. Estrella sa paghahabi ng historical na marka alay kay Pepita Tiongson. Matatandang sa loob ng kaniyang panunungkulan ay umabot na sa bilang na 4 ang panandang pangkasaysayan ang hinabi sa lungsod.

“Ako po ay nandoon upang ipakita na ‘yung ginagawa po natin na ito ay hindi po isang maliit na bagay kung hindi dapat ‘yung mga ginagawa natin na ito at minumunento natin ay dapat maging inspirasyon ng bawat isang Baliwagenyo dahil sa pamamagitan ng ganitong klaseng programa ay lalo natin marararamdaman ang galing at husay ng mga taga-Baliwag. Lalong higit para sa ganoon ay lalo tayong maging proud na tayo ay Baliwagenyo. Huwag natin kalimutan ang nakaraan sapagkat sabi nga hindi tayo makakarating sa ating pupuntahan kung hindi tayo lilingon sa ating pinanggalingan” ani Mayor Ferdie.

Sama-samang isinagawa ang paghahawi ng tabing sa panandang pangkasaysayan alay kay Pepita Tiongson nina Mayor Ferdie, Kon. Ogie Baltazar, G. Ezekiel Roi V. De Santos apo sa talampakan ni Pepita Tiongson, Gng. Mae Arlene Torres pinuno ng Provincial History Arts and Culture Tourism Office (PHACTO), Bb. Jesusa Garcia Villanueva pinuno ng CACTO, Bb. Aleli Canoza mula sa PASAKABA at G. Pedrito Cabingao kilala na Batang Baliwag na founder ng PASAKABA.

Sa pamumuno ni Mayor Ferdie, ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ay patuloy ang pagsuporta sa ganitong programa at gawain upang bigyan pagkilala ang mga Baliwagenyo, mga bagay at tao na nagpakilala sa Lungsod ng Baliwag.

#BaliwagCity

#JocelynangBaliwag