Nagtipon ang mga miyembro ng Baliwag City Arts and Culture Council para sa kanilang 2nd quarter meeting na ginanap noong ika-8 ng Hunyo sa Baliwag Business Center.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga naging usapin mula sa kanilang nakaraang pagpupulong, ulat ukol sa Lunsod Lunsad Grant na naglalaman ng kanilang mga aktibidad at proyekto, nominasyon ng eleksyon ng mga opisyal na bubuo sa nasabing organisasyon, finalization of committees, at ang papalapit na pagsasagawa nito ng Musikapistahan: First Bulacan Choral Competition.
Bukod dito, pinagusapan din ang pagbuo ng kauna-unahang Baliwag City Symphonic Band bilang bahagi pa rin ng programa ng pamahalaang lungsod sa pagpapayaman ng kultura at sining sa lugar. Layunin nito ay hindi lamang upang magbigay aliw kundi upang itaguyod ang musikang Baliwagenyo at ipagmalaki ang talento ng mga lokal na musikero.
Hangad ni City Mayor Ferdie V. Estrella, sa pamamagitan ng sanggunian, na maitampok ang mayamang kultura at kasaysayan ng lungsod ng Baliwag, na siyang pumupukaw ng pansin sa mga turista at maituturing na isang karangalan para sa bawat Baliwagenyo.
Ang Pamahalaang Lungsod ay nananatiling tapat sa kanilang hangarin na maghandog ng serbisyong may malasakit, sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.