Sa patuloy na pagpapabuti ng kaayusan at seguridad sa lungsod ng Baliwag, nagsagawa ng 4th Quarter Joint Meeting ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag kasama ang mga kawani at iba’t ibang tanggapan sa lungsod na kabilang sa City Peace and Order Council (CPOC), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), at mga kapitan ng bawat barangay sa lungsod, noong ika-12 ng Nobyembre, sa City Conference Hall.
Pinangunahan ni City Administrator Enrique V. Tagle ang pagpupulong upang talakayin ang iba’t ibang mga napapanahong isyung panlipunan at mga usaping nais bigyang-pansin ng mga katuwang na ahensya at awtoridad.
Ibinahagi ng Baliwag City Philippine National Police (PNP) ang mga naitalang bilang ng mga kaso ng kriminalidad kabilang ang mga talamak na insidente ng basag kotse sa lungsod. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Mayor Ferdie V. Estrella na tutukan at sugpuin ang mga kasong ito sa lungsod at paalalahanan ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyan na huwag mag-park sa mga pampublikong daanan para maiwasan ang ganitong insidente.
Samantala, binigyang paalala naman ng Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang paghahanda para sa Typhoon “Ofel” na posibleng dumaan sa Central Luzon at tamaan ang mga lugar sa lalawigan ng Bulacan kabilang ang Baliwag City. Ibinahagi naman ni CA Enrique V. Tagle ang mga protocol na isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ukol sa paglalabas ng anunsyo ng class suspension na alinsunod sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Bukod dito, nagbigay-ulat din ang Baliwag City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa tamang implementasyon ng Solid Waste Management ng mga business establishment sa lungsod upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga baradong kanal na nagiging sanhi ng pagbaha lalo na ngayong panahon ng bagyo.
Sa parehong pagpupulong, humiling naman ang Baliwag City Jail and Penology (BJMP) na mabigyan ng kaukulang budget ang isasagawang kontruksiyon ng barracks para sa kanilang jail personnel. Tinalakay din niya ang pagsasaayos ng sistema at stocks sa kanilang commissary. Ibinahagi rin niya ang planong pagpapatayo ng female dormitory sa lungsod ng BJMP Regional Office.
Ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie, at pakikipagtulungan ng CPOC, CADAC, CDRRMC, kasama ang mga pinuno ng bawat barangay sa Baliwag City, ay patuloy ang pagtutok upang panatilihin ang maayos at ligtas na komunidad sa lungsod.
#BaliwagCity4thQuarterJointMeeting
#SerbisyongMayMalasakit