Bilang bahagi ng pagdiriwang ng mga Araw ng Pambansang Watawat na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan”, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ng maringal na pagsusunog ng mga luma at sirang bandila noong ika-10 ng Hunyo, sa Baliwag City Hall.
Pinangunahan ni City Administrator Enrique V. Tagle, kasama ang Tagapangasiwa ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag, Atty. Robert John I. Donesa, at ilang kawani ng Pamahalaang Lungsod, ang seremonya ng pagsusunog ng watawat bilang pagpupugay sa katapangan at kagitingang ipinamalas ng mga Pilipinong nakipagdigmaan para sa kalayaan ng bansa.
Ang naturang seremonya ay naisakatuparan sa pangangasiwa ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag kung saan ay pinangunahan ng BTECH Singing Ambassadors ang pag-awit ng Lupang Hinirang na sinundan ng isang pagtatanghal mula sa BTECH Folk Dance Troupe.
Sa bisa ng Kautusang Ehekutibo Blg. 179 ni Pangulong Fidel V. Ramos, noong taong 1994, ay ipinagdiriwang ang mga Araw ng Pambansang Watawat mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 na Araw ng Kalayaan, upang sama-samang sariwain at pagnilayan ang kahalagahan ng Pambansang Watawat na sumisimbolo sa tinatamasang kalayaan ng bansa.
#BaliwagCity