Mayor Ferdie, Mommy Sonia, at buong Team Serbisyong may Malasakit, naghain na ng COC para sa Eleksyon 2025
Mayor Ferdie, Mommy Sonia, at buong Team Serbisyong may Malasakit, naghain na ng COC para sa Eleksyon 2025

Kasama ang kani-kanilang pamilya at taga-suporta, pormal nang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang Team Serbisyong may Malasakit, ngayong araw, Oktubre 5, sa Baliwag City Office of the Election Officer. Pinangunahan ito ni Mommy Sonia Estrella, para sa kaniyang kandidatura bilang Punong Lungsod ng Baliwag, at Mayor Ferdie, na nakatakdang tumakbo bilang Vice Mayor para sa darating na Eleksyon 2025.

Kasama sa Team Serbisyong may Malasakit ang mga tumatakbo para sa Sangguniang Panlungsod na sina:

  1. Konsehal Ogie Baltazar
  2. Konsehal Kenneth Cruz
  3. Konsehal Ron Cruz “Bata”
  4. Konsehal Dra. K Dela Cruz
  5. Konsehal Bhang Imperial
  6. Konsehal Ryan Maniquis
  7. Konsehal Joel Pascual
  8. Konsehal Tony Patawaran
  9. Konsehal Lowell Tagle
  10. Konsehal Majorie Taruc

Bago magtungo sa Comelec, dumalo muna ang buong grupo kasama ang buong pwersa ng kanilang pamilya at mga taga-suporta sa isang misa ng Paghahandog ng Paglilingkod sa Lungsod ng Baliwag na pinangunahan ni Rev. Fr. Narciso Sampana, sa Diocesan Shrine and Parish of St. Augustine. Ito ay upang magpasalamat at humingi ng gabay para sa maayos at matagumpay na Eleksyon 2025.

Matapos nito, mula dito ay nagsagawa na ng kanilang sama-samang hakbang o ‘unity walk’ ang buong team kasama ang buong pwersa ng kanilang pamilya at mga taga-suporta, patungo sa tanggapan ng Comelec sa Pamahalaang Lungsod ng Baliwag. Dito ay personal na nilang inihain ang kanilang mga COC sa harap ni Baliwag City Election Officer IV Juan Carlos Vizcarra.

Sa panayam kay City Mayor Ferdie Estrella, malaki ang pasasalamat niya sa mga Baliwagenyo na nagtiwala sa kanya mula nang siya ay tumakbo sa pagka-Punong Bayang noong 2016. Dahil sa suporta ng mga ito, nagkaroon siya ng tatlong (3) termino bilang Punong Lungsod at naipatupad ang magagandang programa at naiangat ang Baliwag sa iba’t ibang aspeto higit sa lahat ang pagiging lungsod nito na maituturing niyang isa sa mga “legacy” na kaniyang nagawa.

“Nais kong ipagpatuloy ang nasimulan nating Serbisyong may Malasakit para sa mga Baliwagenyo at ang magagandang programa na ating nasimulan kaya tayo po ay nagpasya na tumakbo bilang Vice Mayor ng Lungsod ng Baliwag” ani Mayor Ferdie.

Ayon naman kay Mommy Sonia Estrella, naniniwala siya na dapat na magpatuloy ang pagbibigay ng Serbisyong may Malasakit para sa mga Baliwagenyo gayon din ang higit na maipadama ang #AlagangEstrella na sinimulan ng kaniyang maybahay at dating Punong Bayan, Mayor Romy, na ipinagpatuloy ni Mayor Ferdie.

“Ang mamamayan ng Baliwag ay itinuring na naming pamilya. Tinanggap na namin na mula kay Mayor Romy, kay Mayor Ferdie, at ngayon sa akin, na ang misyon namin ay paglingkuran ang mga Baliwagenyo. Hindi namin pwedeng talikuran ang ating mamamayan kaya itutuloy natin ang Serbisyong may Malasakit” ani Mommy Sonia.

#BaliwagCity

#SerbisyongMayMalasakit

#Eleksyon2025