

Upang higit pang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at kampanya laban sa droga, matagumpay na isinagawa ang 1st Quarter Joint Meeting ng Baliwag City Peace and Order Council (CPOC) at City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), noong ika-14 ng Marso, sa Conference Room, 2/F Annex Building, Baliwag City Hall.
Isa sa mga pangunahing napagkasunduan ang pagdeputize ng mga barangay officials upang mag-isyu ng Notice of Violations o Citation Tickets laban sa ilegal na pagpaparada. Layon nitong mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.
Napagkasunduan din ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa mga PNP Baliwag City personnel na kasalukuyang sumasailalim sa SWAT Training Program para sa Region 3, pati na rin ang pagtatatag ng isang SWAT Unit bilang isang espesyal na yunit ng Baliwag City Police Station.
Kaugnay nito, inaprubahan rin ang mahigpit na regulasyon sa lahat ng Piso Net upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na aktibidad lalo na sa mga kabataan.
Nagbigay din ng updates tungkol sa peace and order situation sa lungsod, habang inilahad naman ni FSINSP Jerry Magalang ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga hakbang sa pagpigil ng sunog, kabilang ang pag-install ng wet standpipe sa Little Baguio, Brgy. Poblacion, isang fire hazard area, at ang proposed extension ng Baliwag City Fire Station.
Samantala, iniulat ng kinatawan ni JCINSP Arvin Antonio ang mga programa ng BJMP upang mapanatili ang seguridad sa piitan.
Ipinaliwanag din ni Population Officer Rafinal Gonzales, ADAC Focal Person, ang EO No. 5 Series of 2025, na naglalayong ipatupad ang isang drug-free workplace sa lokal na pamahalaan at bumuo ng Drug-Free Workplace Committee.
Sa pangkalahatan, layunin ng mga hakbang na ito na higit pang mapalakas ang seguridad, disiplina, at kampanya laban sa droga sa lungsod ng Baliwag.
#BaliwagCity
#CityPeaceAndOrderCouncil
#CityAntiDrugAbuseCouncil
#1stQuarterJointMeeting2025