Mahigit 170 Baliwagenyo Licensure Passers, binigyan ng parangal ni Mayor Ferdie Estrella
Mahigit 170 Baliwagenyo Licensure Passers, binigyan ng parangal ni Mayor Ferdie Estrella

Sa ginanap na Saludo sa Baliwagenyo: Achiever’s Night noong Mayo 28 sa Baliwag Star Arena, muling pinarangalan ang mga natatanging Baliwagenyo na pumasa sa iba’t ibang licensure examinations mula sa iba’t ibang kurso at propesyon tulad ng teacher, doctors, engineers, lawyers, at nurses, kabilang ang iba pa. Ang seremonyang ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Buntal Festival, isang taunang tradisyon simula pa noong 2017.

Sa taong ito, mahigit 170 achievers ang kinilala at binigyan ng parangal. Isa itong patunay ng dedikasyon at kasipagan ng mga Baliwagenyo sa kanilang napiling larangan. Lalo pang pinalakas ng selebrasyon ang komunidad at nagbigay inspirasyon sa mga kabataan na magpursigi at magtagumpay sa kanilang mga pangarap.

Ipinahayag ni Mayor Ferdie Estrella ang kanyang malaking pagmamalaki sa mga nasabing achievers. Ayon sa kanya, “Ang kanilang tagumpay ay tagumpay rin ng buong Baliwag. Ipinapakita lamang nito na walang imposible sa isang Baliwagenyo na may determinasyon at sipag.”

Ang pagdiriwang ay naging makulay at puno ng emosyon, tampok ang mga mensahe ng pagbati at pasasalamat mula sa iba’t ibang opisyal ng bayan. Naging highlight din ng gabi ang pagbibigay ng mga plake ng pagkilala sa mga bagong lisensyadong propesyonal.

Ang Achiever’s Night ay hindi lamang isang seremonya ng pagkilala, kundi isa ring inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon ng mga Baliwagenyo. Patuloy na magiging bahagi ng Buntal Festival ang pagdiriwang na ito upang magbigay pugay at pagkilala sa kahusayan at dedikasyon ng mga mamamayan ng Baliwag.