Sa pakikipagtulungan ng Baliwag City Public Employment and Services Office (PESO), nagsagawa ang Baliwag City Balay Silangan Reformation Center ng libreng training sa pananahi para sa mga reformees ng Balay Silangan Reformation Center na matatagpuan sa Tiaong, Baliwag City, Bulacan.

May kabuuan na 21 reformees ang sumasailalim sa pagsasanay na magtatagal ng 34 na araw, kung saan ay tuturuan sila kung papaano manahi ng iba’t ibang produkto gaya ng polo, bed sheet, curtain, at eco bag.

Ang programang ito ay nakatuon sa pagbibigay ng oportunidad at pagkakataon sa mga reformees na magkaroon ng dagdag kaalaman at maging pagkakakitaan na maaari nilang magamit paglabas sa reformation center para sa bagong buhay na kanilang ninanais. Bukod dito, ang pagsasanay ay naglalayong isulong ang gender equality sa lugar ng trabaho, ipinapakita nito na ang pananahi ay hindi lamang para sa mga kababaihan, kundi para rin sa mga kalalakihan.

Pinangunahan ni G. Jesusa N. Luena mula sa Regional Training Center, Central Luzon – Guiguinto ang naturang pagsasanay, na nagsisilbing isa sa mga hakbang upang matulungan ang mga reformees na magtagumpay sa kanilang mga bagong simula.

Simula noong pagbukas ng Balay Silangan Reformation Center noong 2016 sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ferdie V. Estrella, umabot na sa 593 reformees ang matagumpay na nakatapos sa programa. Isa ito sa mga natitirang operational, at nag-iisang facility na may three-month reformation program, at accredited ng PDEA.

Bukod sa mga libreng skills trainings, nagsasagawa rin dito ng mga counseling sessions, values formation, spiritual activities, at iba pang therapeutic interventions na nakatutulong na mapabilis ang kanilang rehabilitasyon at pagbabagong buhay.

#BaliwagCity