Sa loob ng dalawang araw, naging sentro ng talakayan at pagsasanay ang Baliwag Business Center para sa kauna-unahang Lunsod Lunsad Baliwag City Music Festival Mentorship Program, noong ika-19 hanggang ika-20 ng Marso.

Pinangunahan ni Mr. Reginald Tan ng Sounds Kradle at Mr. Froilan Canlas ng Froilan’s Museum ang sesyon sa “Establishing and Managing a Music School”, kung saan ibinahagi nila ang mahahalagang hakbang sa pagtatayo at epektibong pamamahala ng isang paaralan ng musika.

Samantala, si Ms. Riva Ferrer-Jose ng Acapellago ang nagsilbing tagapagsalita sa “Creating a Portfolio and Marketing for Clienteles of Choir Groups”, kung saan itinuro niya kung paano epektibong maipapakilala ang mga grupong pangkoro sa pamamagitan ng branding at marketing.

Sa espesyal na sesyon na “From Brassband to Symphonic Band: Elevating the Skills and Clients of Brassband”, ibinahagi nina Mr. Michael Guevarra ng UP College of Music at Mr. Romeo Felix C. Sanvictores, Jr. ang mga paraan upang mapalawak ang kasanayan ng brass band musicians at maabot ang mas mataas na antas ng musikal na kahusayan.

Dinaluhan ang mentorship program ng iba’t ibang musikero, guro, at mga mahilig sa musika, na nagpakita ng kanilang interes at dedikasyon sa pagpapaunlad ng sining ng musika sa Baliwag.

Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng lungsod na palakasin ang industriya ng musika at bigyan ng mas maraming oportunidad ang mga lokal na musikero.

#BaliwagCity
#LunsodLunsadMusicFestivalMentorshipProgram