Kadiwa ng Pangulo Center, ilulunsad sa Lungsod ng Baliwag
Kadiwa ng Pangulo Center, ilulunsad sa Lungsod ng Baliwag

Muling nagpulong ang mga pinuno ng mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag upang talakayin ang mga mahahalagang usaping pang-administratibo at pamamahala sa 59th Management Committee (ManCom) Meeting, noong ika-1 ng Oktubre, sa City Hall Board Room.

Pinangunahan ni City Administrator Enrique V. Tagle ang pagpupulong, kung saan tinalakay ang pagsunod ng lungsod sa Seal of Good Local Governance (SGLG), kabilang ang updates sa paggamit ng 20% Economic Development Fund at 70% Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) bilang paghahanda para sa SGLG monitoring ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Tinalakay din ang mga proyektong pang-imprastruktura sa lungsod. Nagbigay din ng updates ukol sa Hatid Kalinga Program, sistema ng Information Technology (IT) para sa mga bagong systems ng Pamahalaang Lungsod , at paghahanda para sa darating na May 2025 local and national elections. Sinuri rin ang estado ng African Swine Fever (ASF), bilang bahagi ng mga patuloy na hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa lokal na industriya ng baboy.

Pinagusapan din ang ilulunsad na kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo Center na naglalayon na tulungan at palakasin ang sektor ng agrikultura sa Lungsod. Sa pamamagitan ng Kadiwa Center, maaaring makabili ang mga Baliwagenyo ng mga produkto sa murang halaga. Ilan sa maaaring mabili dito ay bigas, gulay, prutas, karne, at iba pa.

Ang ManCom ay binubuo ng mga pinuno ng mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Ferdie V. Estrella, na nagsisilbing pangkalahatang komite na tumatalakay at nagreresolba sa mga isyung pang-administratibo. Isinasagawa ang kanilang pagpupulong upang bumuo ng mga hakbang para lalong paghusayin ang paghahandog ng Serbisyong May Malasakit sa mga Baliwagenyo.