Nagtipon ang mga opisyal at kawani na may gampanin sa pananatili ng seguridad at kaayusan ng Lungsod ng Baliwag sa ginanap na 2nd Quarter Joint Meeting ng Baliwag City Peace and Order Council (CPOC), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) noong ika-13 ng Hunyo, sa Conference Hall.
Dito ay tinalakay ang paglulunsad ng training program para sa Barangay Peace-keeping Action Teams (BPATs) sa pangunguna ng Baliwag Polytechnic College (BTECH) na isasagawa sa bagong tatag na Baliwag City Barangay Academy. Layon ng programa na hubugin ang kakayahan ng BPATs sa mahahalagang kasanayan at kaalaman upang epektibo nilang matugunan ang mga krisis sa kanilang barangay.
Tinalakay naman ni City Administrator Enrique V. Tagle ang paglulunsad E-Blotter System, isang modernong pamamaraan upang mapabilis ang dokumentasyon at pagmamatyag sa mga krimen at insidente. Inaasahang magpapabuti ito ng malaking bahagi ng pagiging epektibo ng mga pagsisikap sa pagpapatupad ng batas sa lungsod.
Sa pagpupulong, iniulat ni Baliwag PNP PLTCOL. Jayson San Pedro ang kasalukuyang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan, kasama na ang mga hakbang sa patuloy na kampanya laban sa droga. Binigyang-diin ang patuloy na mga pagsisikap upang pigilin ang mga ilegal na aktibidad sa droga at panatilihin ang kaligtasan ng publiko.
Ibinahagi rin ng Baliwag City Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang mga programa na nakatuon sa kaligtasan laban sa sunog, mga rehabilitasyon para sa mga bilanggo, at pangangalaga ng seguridad sa loob ng bilangguan, pati na ang mga gampanin ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) para sa paghahanda at pagresponde sa mga kalamidad.
Pinasalamatan ni City Administrator Enrique V. Tagle ang lahat ng dumalo at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa lungsod ng Baliwag.