Muling magbabalik ang High FVE BIDA Kabataan Campus Caravan na nakatakdang simulan sa darating na ika-7 ng Nobyembre para maghatid ng mga makabuluhang impormasyon at kaalaman sa mga mag-aaral mula sa mga pampublikong high school at senior high school (SHS) sa Baliwag City.

Dito pag-uusapan ang mga napapanahong isyu gaya ng anti-drug abuse, safe spaces for youth, at reproductive, physical, at mental health. Layon ng programang ito na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan upang makagawa sila ng tamang mga desisyon sa buhay at maghikayat ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad.

Ayon kay Mayor Ferdie V. Estrella, mahalaga ang programang ito sa pagtutok sa pangangailangan ng kabataan habang hinaharap nila ang mga hamon ng modernong panahon. Inaasahan din ng mga katuwang na ahensya at organisasyon na magiging matagumpay ang kampanya sa pagbibigay ng inspirasyon at gabay sa kabataang Baliwagenyo.

Ang programang ito ay matagumpay na ilulunsad sa pamamagitan ng City Youth Development Office, sa pakikipagtulungan ng Baliwag City Schools Division Office (SDO), Philippine National Police (PNP) Baliwag, Baliwag City Sangguniang Kabataan (SK) Federation, Baliwag Local Council of Women, at Empowered Youth (EY) Baliwag.

Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa pangunguna ni Mayor Ferdie, na pangalagaan ang kanilang kaligtasan at kapakanan at maging kaagapay nila sa pagharap ng iba’t ibang pagsubok bilang kabataan.