Sa patuloy na pagtutok sa seguridad at kaayusan, ilulunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ang makabagong E-Blotter System, isang digital na sistema ng pagtatala ng mga insidente at kaso sa bawat barangay. Ibinahagi ito ni City Mayor Ferdie Estrella sa 3rd Quarter Joint Meeting ng City Peace and Order Council (CPOC), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) , noong Setyembre 24, sa Conference Hall.
Mula sa tradisyunal na paraan ng pagtatala, ang E-Blotter System ay magbibigay-daan para magkaroon ang mga Barangay at ang Baliwag City Philippine National Police (PNP) ng sistematikong record ng mga insidente sa lungsod na maaari nilang ma-monitor online. Ang sistemang ito ay pangangasiwaan ng Baliwag City Information and Communication Technology Office (CICTO) upang matiyak ang maayos na implementasyon.
Sa parehong pagpupulong, ipinakilala si FSINSP. Jerry B. Magalang bilang bagong City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP), na pumalit kay dating FSINSP. Dianne Roselle G. Tamayo. Pinangunahan din ni Ms. Ailyn D. Bondoc, CLOO VI, ang pagbabahagi ng reorganisasyon ng CADAC at CPOC, kung saan kabilang ang Baliwag City Public Order and Safety Office (BCPOSO) at ang City Budget Office bilang mga regular na miyembro.
Nagbigay din ng ulat sina Jail Warden JCINSP. Arvin C. Antonio ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at City Fire Marshal FSINSP. Magalang hinggil sa mga matagumpay na programa at proyekto para sa kaligtasan ng mga Baliwagenyo.
Pinaiigting naman ng PNP ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa laban sa prevalent crimes tulad ng pang-aabuso at motornapping. Maglalagay din ang Pamahalaang Lungsod ng mga signages sa mga pampubliko at pribadong lugar upang ipaalala sa mga motorista na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng kanilang mga sasakyan.
Sa kanyang ulat, binanggit ni Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Head Mr. Gregorio Santos ang kanilang mga matagumpay na aktibidad at mga plano sa ilalim ng Local Disaster Risk Reduction and Management Plan (LDRRMP).
Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie V. Estrella, sa pagpapatatag ng seguridad at kapayapaan sa lungsod, katuwang ang CPOC, CADAC, CDRRMO, at iba pang mga ahensya, upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng Baliwagenyo.