Sa isang makabagong hakbang tungo sa tamang pamamahala ng mga basura, ang Kagawaran ng Agrikultura sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) – Rehiyon III ay naghandog ng mga makabagong makinarya sa Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na magagamit sa kanilang mga Material Recovery Facility. Ang makinaryang ito ay mga shredder at composter kung saan siyam (9) na barangay mula sa ating lungsod ang mapalad na nahandugan noong ika-2 hanggang 4 ng Oktubre 2024. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Sabang, Tilapayong, Concepcion, Tangos, Catulinan, Poblacion, Calantipay, Sulivan, at San Roque.
Layunin ng inisyatibong ito na baguhin ang pagproseso ng basura sa komunidad na nagbibigay ng daan para sa produksyon ng compost at mabawasan ang mga basura na dinadala sa Sanitary Landfill. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiyang ito, inaasahan na mas mapapabuti ang pamamahala ng basura at benepisyo nito sa kapaligiran.
Ang pagsisikap na ito mula sa Pamahalaang Lungsod ng Baliwag at BSWM ay nagpapakita ng pagkakatuwang sa pagsusulong ng mga programang pangkapaligiran. Sa gitna ng lumalalang mga alalahanin tungkol sa pagbabago ng klima at pandaigdigang pag-init, ang hakbang na ito ay isang mahalagang bahagi ng mas malawak na estratehiya na makapaghandog ng Serbisyong may Malasakit para sa Kalikasan!
#BaliwagCity
#BaliwagAgri