Mainit na sinalubong ng mga Baliwagenyo ang pagdating ni Congresswoman Lani Mercado-Revilla, ang maybahay at kinatawan ng panauhing pandangal na si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., upang makisaya sa opisyal na pagbubukas ng 20th Buntal Festival 2024, na ginanap sa Baliwag Star Arena, noong ika-28 ng Mayo.
Ibinida sa programa ang tradisyunal na paghahabi ng ipinagmamalaking Buntal Hat, na lubos na sumasalamin sa mayamang kultura ng Baliwag City. Gayundin ang mga natatanging talentong ibinahagi ng Baliwag University Cultural Dance Troupe, Hinabing Himig Baliwagenyo, at ni Orange and Lemons Main Vocalist, Mr. Clem Castro.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Cong. Lani Mercado-Revilla ang kanyang kagalakan matapos na personal na makadaupang-palad ni City Mayor Ferdie V. Estrella, kasama ang kanyang pamilya, ang mahal na Santo Papa sa Roma, at magkaroon ng pagkakataon upang ipakilala at ipasuot sa kanya ang Buntal Hat. Dagdag pa niya, ito ay isang bahagi na ng kasaysayan ng lungsod na dapat panatilihin at maisalin sa mga susunod na henerasyon, bilang tatak ng pagiging isang tunay na Baliwagenyo. Maliban dito, naghandog din siya ng isang espesyal na awitin para sa mga Baliwagenyo.
Ayon kay City Mayor Ferdie V. Estrella, espesyal ang pagdiriwang na ito ngayong taon sapagkat sumapit na ito sa ikalawang dekada. Inihayag din niya na higit pa sa Buntal Hat ay marami pang tatak na nagpapaningning sa lungsod gaya ng mga produktong pagkain at muwebles na gawang Baliwag, at ang pinakamahabang lenten procession na ginaganap sa lungsod. Ipinagmalaki rin niya ang mga maituturing na pinakamalaking yaman ng lungsod, ang mga indibidwal at samahan na nagpapatanyag sa lahing Baliwagenyo na saanmang larangan at panig ng bansa at mundo mapadpad, ay taas-noo nilang ipinagmamalaki ang kanilang Dugong Baliwag, Pusong Baliwag.
Ang Baliwag Buntal Festival ay hindi lamang tumutukoy sa sumbalilong tatak Baliwag. Sa kabila ng pagiging isang maliit na industriya na lamang nito sa kasalukuyang panahon, nananatili naman itong simbolo ng pagpupunyagi ng mga Baliwagenyo. Ito ay sumasalamin sa komersyo, kahusayan, kalinangan at kaunlaran na tila mga habi na kanilang dinala saanmang larangan o paggawa sila mapadpad.