College Behind Bars: Edukasyong handog ni Mayor Ferdie para sa mga PDL ng BJMP Baliwag
College Behind Bars: Edukasyong handog ni Mayor Ferdie para sa mga PDL ng BJMP Baliwag

Isang makabuluhang hakbang tungo sa pagbabago at pag-asa ang inilunsad ni Mayor Ferdie Estrella sa Baliwag City sa pamamagitan ng programang College Behind Bars para sa mga PDL (Persons Deprived of Liberty) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Baliwag City. Ang proyekto ay nagsimula noong Enero 2024 at naglalayong magbigay ng pagkakataon sa mga PDL na makapag-aral ng kolehiyo habang nasa loob ng piitan.

Alinsunod sa proyekto ng BJMP at sa pamamagitan ng Dalubhasaang Politekniko ng Baliwag (BTECH), katuwang ang JCI Baliwag Buntal, ang programa ay kasalukuyang nag-aalok ng kursong Bachelor of Science in Information Technology (BSIT). May kabuuang bilang na 40 PDL ang kasalukuyang naka-enrol sa nasabing kurso, na nagbibigay sa kanila ng bagong pag-asa at kaalaman na magagamit nila sa kanilang paglaya.

Naging posible ang College Behind Bars sa pamamagitan ng dedikasyon at suporta ng mga guro at kawani ng BTECH, na walang sawang naglaan ng kanilang oras at kaalaman upang maihatid ang edukasyon sa loob ng piitan.

Ayon kay BJMP Baliwag City Warden Arvin C. Antonio, ang College Behind Bars ay isang proyekto na naglalayong baguhin ang pananaw ng mga PDL at bigyan sila ng pagkakataon matuto. “Ang College Education Behind Bars ay mahalaga sa pagbabago at muling pagbuo ng buhay ng ating mga PDL. Sa pamamagitan ng programang ito, binibigyan natin sila ng pagkakataong maging produktibo at mapataas ang respeto sa sarili,” pahayag ni Warden Antonio.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsulong ng proyekto, plano ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na patuloy na makipagtulungan sa BJMP sa pagkakaloob ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng mga arm chairs, stationaries, at personal computer. Plano din na magdagdag pa ng mga kurso sa kolehiyo sa hinaharap upang mas maraming PDL ang makinabang at magkaroon ng pagkakataon para sa mas magandang kinabukasan.

#BaliwagCity

#BaliwagCityCollegeBehindBars