Bangkay ng 2 trabahador na nalunod sa Baliwag City, natagpuan na
Bangkay ng 2 trabahador na nalunod sa Baliwag City, natagpuan na

BALIWAG CITY – Natagpuang wala nang buhay ang 24-anyos na lalaking kinilalang si Dave Mangahas dakong 12:10 PM ngayong araw ng Setyembre 18, sa Angat River, Barangay Makinabang. Ang kasamahan niyang si Engr. Roxanne Limus, isang 38-anyos na babae, ay natagpuan ding wala nang buhay bandang 3:50 PM sa Barangay Cambaog, Bustos, Bulacan. Ito ay matapos silang tangayin ng malakas na agos ng Dos Palmas River sa Barangay Makinabang noong Setyembre 17.

Ayon sa ulat ng Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang insidente ay naganap habang ang mga biktima – na parehong nagtatrabaho sa isang construction company, ay nagsasagawa ng survey at water level monitoring.

Batay sa mga saksi, bandang alas-11:00 ng umaga nang tangkain ni Mangahas na tawirin ang naturang ilog, ngunit tinangay ito ng rumaragasang agos. Sinubukan siyang sagipin ni Engr. Limus ngunit hindi ito nagtagumpay at tinangay din ng agos ng tubig.

Agad na rumesponde ang Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Rescue FVE, katuwang ang Baliwag PNP, Public Assistance and Complaint Center (PACC), at Brgy. Rescue Team.

Sa kabila ng matinding agos ng ilog na pumigil sa operasyon noong Setyembre 17, ipinagpatuloy ang search and rescue (SAR) operations ngayong araw, alas-6:45 ng umaga.

Sa pakikipagtulungan ng mga SAR teams mula sa CDRRMO Rescue FVE at teams mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRMO) ng Plaridel, Pulilan, San Rafael, San Ildefonso, Bustos, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, matagumpay na nahanap ang katawan ng mga biktima.

Mahigpit na pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga mamamayan na umiwas sa mga delikadong lugar gaya ng tabing-ilog, lalo na sa panahon ng bagyo.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella ay lubos na nagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.

#BaliwagCity

#SerbisyongMayMalasakit