Baliwag YouthCon 2024: Kabataang Baliwagenyo, hinihikayat na maging “The Good Influencer”
Baliwag YouthCon 2024: Kabataang Baliwagenyo, hinihikayat na maging “The Good Influencer”

Nitong Setyembre 11, 2024, halos 1,000 kabataan mula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon sa Baliwag ang nagtipon-tipon sa Baliwag Star Arena para sa Baliwag YouthCon 2024. Ang tema ng pagtitipon, “The Good Influencer,” ay nagsilbing inspirasyon sa mga youth leaders, volunteers, at student officers upang tuklasin ang tunay na kahulugan ng pagiging isang mabuting influencer sa modernong panahon.

Si Mommy Sonia V. Estrella, ang unang tagapagsalita, ay nagbahagi ng kaniyang personal na karanasan sa paghubog ng kaniyang pamilya at komunidad. Pinaliwanag niya na ang pagiging influencer ay hindi lamang nasusukat sa dami ng followers o kasikatan, kundi sa tamang paghubog ng mabuting pag-uugali at malasakit sa iba. Ipinakita ni Mommy Sonia kung paano niya ginamit ang prinsipyong “Serbisyong may Malasakit” upang magtayo ng isang matatag na pundasyon sa kanilang pamilya, na nagsilbing inspirasyon para sa kanilang pamumuno. “Hindi tungkol sa kung gaano karami ang humahanga sa iyo online,” ani Mommy Sonia, “kundi kung paano ka makakatulong sa iba at maging mabuting ehemplo.”

Ang pangalawang tagapagsalita, si Ms. Samantha Gayle Santos, ay nagpaliwanag ng mahalagang papel ng responsibilidad sa pagiging isang influencer. Binigyang-diin niya na ang bawat post o mensaheng inilalabas sa social media ay may kapangyarihang magpalaganap ng impormasyon na maaaring makaapekto sa marami. Ayon kay Ms. Santos, ang pagiging isang influencer ay nangangahulugan ng masusing pag-iisip bago magbahagi ng anumang bagay. Sa bawat pagkilos online, may kalakip na pananagutan sa kung ano ang ibinabahagi, kaya mahalaga ang pagkakaroon ng malasakit at tamang pag-unawa.

Panghuli, ibinahagi ni Mr. Joshua Nicdao, isang mamamahayag, kung paano nagagamit ang social media upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga minorya at itaguyod ang katarungan. Ayon kay Nicdao, ang mga influencers ay may kakayahang magdala ng tunay na pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng pagtutok sa mga isyung madalas na napapabayaan. Ipinakita niya ang halaga ng paggamit ng impluwensiya hindi lamang para sa kasikatan, kundi upang magbukas ng mata ng mga tao sa mga usaping makabuluhan at makatulong sa mga nangangailangan.

Bilang isang Most Supportive Mayor on Youth Programs, nakiisa si Mayor Ferdie sa programa at nagbigay ng kaniyang mensahe sa mga kabataang lumahok.

“Bilang isang kabaatan, sikapin ninyong maging modelo ng positibong pagbabago. Ang pagiging mabuting influencer ay hindi lamang sa social media, kundi sa bawat kilos at salita na inyong pinapakita at binibitawan sa inyong nakakasalamuha. Gamitin ninyo ang mga ito upang maging epektibong tagapagpahatid ng mabuting impluwensya, at kung papaano ninyo magagampanan ang inyong tungkulin bilang mga lider ng susunod na henerasyon.”

Nakiisa rin sa pagtitipon sina Konsi Ogie Baltazar, Konsi Bhang Imperial, SK Federation of Baliwag na pinamumunuan ni SK Pres. Jerome Gonzales.

Ang Baliwag YouthCon 2024 ay isang matagumpay na pagtitipon na nagbigay-diin sa mas malalim na kahulugan ng pagiging isang mabuting influencer. Ang mga ganitong programa ay ang lalong nagpapatibay sa husay ng mga kabataang Baliwagenyo, marka ng mas malalim na paglilingkod ni Mayor Ferdie Estrella.

#BaliwagCity

#HappyKaarawanGoalsNiMayorFerdieYear9

#KabataangBaliwagenyo