Baliwag City, muling nakamit ang ika-6 na Seal of Good Local Governance (SGLG)
Baliwag City, muling nakamit ang ika-6 na Seal of Good Local Governance (SGLG)

Bilang patunay ng dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod na maghatid ng Serbisyong May Malasakit, muling kinilala ang Baliwag City bilang isa sa mga pinakamahusay na pamahalaang lokal sa bansa matapos nitong matanggap ang 6th Seal of Good Local Governance (SGLG) ngayong taong 2024.

Kasabay ng parangal, isinagawa rin ang SGLG Exit Conference noong ika-14 ng Nobyembre na ginanap sa Millhouse, Barangay Sabang. Tinalakay dito ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Bulacan ang SGLG compliance status ng Pamahalaang Lungsod gayundin ang mga rekomendasyon upang higit pang mapalakas ang serbisyo-publiko.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi naman ni Mayor Ferdie V. Estrella ang kanyang galak sa pagkakakamit ng ika-anim na SGLG ng Pamahalaang Lungsod.

“Masaya po ako sapagkat sa loob po ng 8 taon ay nakaka-anim na po tayong [SGLG]. Yung mga awards po, pangalawa na lang po ito, ang importante, tayo po sa Baliwag ay nasa tamang direksyon at sumusunod po tayo sa itinatadhana ng DILG. Sa tulong po ng bawat isa ay nakamtan po natin ang [ika-anim nating] SGLG.” ani Mayor Ferdie.

Lubos din niyang pinasalamatan ang masisipag na kawani ng Pamahalaang Lungsod na malaki ang ginampanan sa pagkamit ng karangalang ito, pati na rin ang suporta ng bawat Baliwagenyo na nagbibigay ng inspirasyon sa kanilang paglilingkod.

Ang prestihiyosong parangal na ito ay iginagawad ng DILG sa mga local government unit (LGU) na nagpapakita ng mahusay na pamamahala, transparent na serbisyo-publiko, at maayos na paggamit ng pondo ng bayan.

#SealOfGoodLocalGovernance2024

#SerbisyongMayMalasakit