Sa adhikaing mas pagbutihin ang kalidad ng kalusugan at nutrisyon, itinanghal bilang No. 1 ang Lungsod ng Baliwag sa buong Central Luzon, na nagkamit ng prestihiyosong “Regional Green Banner Seal of Compliance” mula sa National Nutrition Council (NNC) Region III sa Gitnang Luzon Gawad Parangal sa Nutrisyon 2024, noong Oktubre 18, sa San Fernando City, Pampanga.
Pinangunahan ni Mayor Ferdie V. Estrella ang pagtanggap ng Katibayan ng Pagkilala para sa natatanging dedikasyon ng lungsod, sa pamamagitan ng City Nutrition Action Office (CNAO), upang matagumpay na maiangat ang antas ng nutrisyon para sa mga Baliwagenyo. Sa kanyang mensahe, ipinahayag din ni Mayor Ferdie ang malaking kahalagahan ng parangal na ito at ang makasaysayang pag-angat ng lungsod.
“Napaka-special po sa akin ng karangalan na ito… Sapagkat noong 2016, noong una akong maupo bilang mayor ng Baliwag, 18/18 ang Baliwag sa buong Bulacan sa larangan ng nutrisyon—tayo po ang pinakamababa. At ngayon, bago matapos ang ating termino bilang mayor, nakuha na po natin ang NUMBER 1, hindi lamang po sa buong Bulacan kundi sa buong Region 3! Salamat po sa lahat ng tumulong upang makamit po natin ito,” ani Mayor Ferdie.
Bukod dito, nakamit din ng lungsod ang 2023 Regional Outstanding City award, sa kauna-unahang pagkakataon ng paglahok nito sa ilalim ng city category, noong final deliberation ng Regional Nutrition Monitoring and Evaluation Team noong ika-28 ng Agosto 2024.
Sa seremonyang ito, ginawaran din ng Certificate of Recognition si CNAO Head Ms. Brenda Balaga bilang 2023 Regional Outstanding City Nutrition Action Officer, bilang pagkilala sa kanyang mga natatanging kontribusyon sa pagpapabuti ng nutrisyon sa lungsod.
Kasabay nito, ginawaran din ng Certificate of Recognition at cash award si Ms. Ma. Lourdes B. Cartagena, mula Barangay Concepcion, bilang City Outstanding Barangay Nutrition Scholar.
Ang Regional Nutrition Awarding Ceremony (RNAC) ay taunang pagkilala ng NNC Region III sa mga lokal na pamahalaang may natatanging kontribusyon sa pagpapabuti ng kalusugan at nutrisyon sa kanilang mga nasasakupan.
Ang tagumpay na ito bilang Number 1 sa nutrisyon sa buong Central Luzon ay patunay ng determinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pamamagitan ng CNAO, na patuloy na itaas ang kalidad ng buhay at kalusugan ng bawat Baliwagenyo.
#BaliwagCity
#BaliwagChampionSaNutrisyon