Bilang pagkilala sa natatanging husay at kahandaan ng Baliwag City sa pagharap sa iba’t ibang uri ng sakuna at kalamidad, ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag bilang Fully Compliant sa parehong Regional at National Category ng 24th Gawad Kalasag Seal and Special Award for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance. noong ika-21 ng Nobyembre.
Upang tanggapin ang prestihiyosong pagkilala, dumalo ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod na pinangunahan ni City Administrator Enrique Tagle, kasama sina City Disaster Risk Reduction & Management Office (CDRRMO) Head Gregorio Santos, CDRRMO Chief of Operation Ariel Cabingao, CDRRMO Admin Jay Mark Felipe, EMT, at Ms. Mary Ann Nazareno, sa Laus Group Event Centre, San Fernando City, Pampanga, noong Nobyembre 28.
Bagamat hindi personal na nakadalo, nagpahayag si Mayor Ferdie Estrella ng kanyang pagbati at pasasalamat para sa tagumpay ng lungsod, matapos makamit ang kauna-unahan nitong Gawad Kalasag Award. “Ito po ay espesyal na award kasi ito na lang po ang hindi natin nakukuha, pero ngayon, ito na po ang Gawad Kalasag! Para sa atin po ito, Baliwagenyo!” ani Mayor Ferdie.
Ang parangal ay pinangunahan ng Office of Civil Defense – Region III, bilang patunay na ang Baliwag City ay sumusunod sa mga itinakdang alituntunin sa ilalim ng Republic Act 10121, na naglalayong palakasin ang sistema ng bansa sa pagharap sa sakuna sa sa pamamagitan ng mga kaukulang gabay na alinsunod sa batas na ito.
Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie, sa pagpapaigting ng kahandaan sa sakuna sa pamamagitan ng Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), na inatasang panatilihin ang kaligtasan ng mga Baliwagenyo at mag-organisa ng mga mahahalagang hakbang para maiwasan ang malalaking pinsala mula sa mga kalamidad.
#BaliwagCity
#24thGawadKalasagAwardee
#SerbisyongMayMalasakit