Bilang bahagi ng mga adbokasiya para sa kalikasan, muling umarangkada ang Environmental Education Caravan ng Baliwag City Environment and Natural Resources Office (CENRO) noong ika-8 ng Enero, na may temang “Building a Healthy Community Environment”, para sa mga mag-aaral ng Grade 6 sa Immaculate Concepcion School of Baliwag (ICSB).
Layunin ng seminar na ito na palalimin ang kamalayan ng mga kabataan sa mga pangunahing isyung pangkapaligiran tulad ng pagbabago ng klima, polusyon, deforestation, at pagkawala ng biodiversity.
Bukod dito, itinuro rin sa mga mag-aaral ang mga eco-friendly initiatives gaya ng pagre-recycle, pagtitipid ng tubig at enerhiya, at pagbabawas ng basura upang mahubog ang kanilang responsableng pakikitungo sa kalikasan.
Ayon sa Baliwag CENRO, mahalagang maagang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan upang maging bahagi sila ng solusyon sa mga hamon ng ating kapaligiran.
Nagpasalamat ang pamunuan ng ICSB sa Baliwag CENRO para sa makabuluhang programang ito at hinikayat ang kanilang mga mag-aaral na isabuhay ang mga natutunan para sa ikabubuti ng kalikasan at ng komunidad.
Ang caravan na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag upang itaguyod ang isang malinis, luntian, at ligtas na pamayanan para sa lahat.
#BaliwagCity
#CityENRO
#SerbisyongMayMalasakitParaSaKalikasan