Masiglang pagtatanghal ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo suot-suot ang kani-kanilang makukulay at maningning na costumes ang bumungad sa pagdiriwang ng Pasko Sa Kalye 2024 (PaSaKalye 2024) noong ika-13 ng Disyembre. Kasabay nito, binuksan din ang taunang street dancing competition na nilahukan ng 14 paaralan sa dalawang kategorya – Elementary Level at High School/College Level.
Bitbit ang kanilang pangarap na tagumpay, sabay-sabay na umindak ang 14 kalahok mula Bagong Nayon patungo sa Baliwag Star Arena. Matapos nito, isa-isang nagpakitang-gilas sa kanilang mga nakamamanghang pagtatanghal ang mga kalahok na lubos na hinangaan ng mga manonood. Ibinahagi naman ni Mayor Ferdie ang kanyang galak sa mga nagsidalo at mga nakilahok sa PaSaKalye 2024.
“Alam niyo po ang Pasko Sa Kalye ay nagsimula sa aking ama na si Mayor Romy Estrella taong 2004, so masasabi natin 20 years na ang Pasko Sa Kalye ngayong taon. Ito pong pamana sa atin ni Mayor Romy ay tinutuloy-tuloy po natin. Sa pamamagitan ng Pasko Sa Kalye, nakikita natin ang talent ng mga Baliwagenyo sa larangan ng street dancing. Kaya naman po kanina, kahit na traffic ay nakita po natin ang napakagagaling na mga performances sa street dancing,” ani Mayor Ferdie.
Sa huli, itinanghal na nagwagi ang mga sumusunod na paaralan sa PaSaKalye 2024:
ELEMENTARY LEVEL:
CHAMPION and Best in Costume: Dr. Guillermo Dela Merced Memorial School
2nd Place: Sabang Elementary School
3rd Place and Best in Street Dance: Makinabang Elementary School
HIGH SCHOOL/COLLEGE LEVEL:
CHAMPION (Hall of Famer) and Best in Costume: Sto. Niño High School
2nd Place: Mariano Ponce National High School
3rd Place and Best in Street Dance: Baliwag Polytechnic College (BTECH)
Ginawaran sila ng tropeo ng pagkilala at cash prizes bilang gantimpala sa kanilang husay at determinasyon sa kanilang mga ipinakitang pagtatanghal. Sila ay nagsisilbing inspirasyon sa kapwa nila kabataan na hasain ang galing sa larangan ng sining at kultura ng Baliwag.
Sa pangunguna ni Mayor Ferdie, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ang pagdiriwang ng Pasko Sa Kalye para hindi lamang ipagmalaki ang mayamang kultura ng lungsod kundi maging maipamalas ang natatanging talento ng mga kabataang Baliwagenyo.
#BaliwagCity
#PaskoSaKalye2024