Damang-dama na ang diwa ng kapaskuhan sa lungsod ng Baliwag nang muling pailawan ang Christmas Display ng lungsod. Tampok dito ang Giant Christmas Tree, Giant Lantern, at iba pang makukulay na dekorasyon, nitong Nobyembre 25.
Sa pagsisimula ng programa, nagbahagi ng kanyang mainit na pagbati sa mga nakiisa si Mommy Sonia Estrella at nagbalik-tanaw sa kanyang kabataan ukol sa espesyal na paghahanda ng kanilang pamilya sa tuwing sasapit ang pasko. Nagpahayag din siya nang kanyang mensahe patungkol sa tunay na diwa ng kapaskuhan.
“Ang tunay na spirit ng Christmas ay ang pagmamahalan, pagbibigayan, at kapayapaan. Kaya sa lahat po ng naririto ngayon, malapit na po ang pasko, papalapit na po ang pagdating ng ating Panginoon. Sana po kung paano natin pinaghahandaan ang pagdating ng kapaskuhan, dahil alam natin ‘yan ang pagdating ng Panginoon, kailangan ihanda din natin ang ating mga puso sa Panginoon na Siya lahat sa ating buhay,” ani Mommy Sonia.
Maliban dito, ipinarating din ni Mayor Ferdie Estrella ang kanyang mainit na pagbati para sa mga nakisaya dito. Sa kanyang mensahe, binigyang-kahalagahan din niya na buksan ang kanilang puso para malayang tanggapin ang Panginoon, sa pagdiriwang ng espesyal na araw ng Kanyang kapanganakan.
“Buksan po natin ang ating puso, para nang sa gan’on, pagdating ng ating Panginoon ay malaya po natin Siyang matatanggap, sa pamamagitan ng pagmamahalan, pagpapatawad, pagbibigayan, at kapayapaan sa atin pong kapwa. ‘Yung pri-nepare po namin sa inyo ay instagramable, kaya pwede kayo magpa-picture kasama ang inyong mga pamilya, para makita nila na masaya ang pasko dito sa lungsod ng Baliwag,” ani Mayor Ferdie.
Matapos nito, sinimulan na ang countdown para sa makulay at maningning na Christmas display lighting, kasabay ng inihandang fireworks display. Dito rin ay ipinarinig na ang nakaka-indak na Christmas Station ID ng Baliwag City.
Bilang maagang pamaskong handog naman para sa mga Baliwagenyo, kasabay ng programa, idinaos din ang pamamahagi ng 150 bisekleta at 150 Hatid Kabuhayan kits na pinangunahan nina Baliwag City Public Employment Service Office (PESO) Manager Jennelyn Marcelo at City Social Welfare & Development Office (CSWDO) Head Gerard Mhel Tolentino.
Samantala, kabilang din sa mga nakisaya sa programa sina Bokal Pechay dela Cruz, Bokal Dingdong Nicolas, Bokal Casey Estrella-Howard, kasama ang mga konsehal na sina Joel Pascual, Kenneth Cruz, Ogie Baltazar, Carol Dellosa, Bhang Imperial, Tony Patawaran, at Ron Cruz “Bata”.
Dumalo rin sina ABC President Michael Lopez kasama ang kapitan at mga kagawad ng bawat barangay, SK President Jerome Gonzales kasama ang mga SK Chairman sa lungsod, dating konsehal Lowell Tagle, Ryan Maniquiz, Dra. K dela Cruz, Konsehal Taruc, at mga principals mula sa Baliwag Schools Division Office (SDO), mga organisasyon ng Tourism Council at JCI Baliwag Buntal, at mga pinuno at kawani sa Pamahalaang Lungsod.
#BaliwagCity
#PaskongBaliwagenyo
#ChrismasDisplayLighting2024