Handa na para sa Undas 2024, ang Pamahalaang lungsod ng Baliwag matapos ang isinagawang pagpupulong nito noong ika-22 ng Oktubre kasama ang iba’t ibang tanggapan, opisyal ng Barangay, tagapamahala ng mga sementeryo, at mga indibidwal na may gampanin upang siguraduhin ang kaayusan, kaligtasan at kalinisan sa pagdagsa ng mga Baliwagenyong gugunita sa kanilang yumaong mahal sa buhay mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Pinangunahan ni City Administrator Enrique V. Tagle ang pagpupulong kasama ang mga opisyal at kawani ng Baliwag City Public Order and Safety Office (BCPOSO), Baliwag City Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Baliwag Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Baliwag City Disaster Risk and Reduction Management Office (CDRRMO), Baliwag City Traffic Management Office (BCTMO), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), General Services Office (GSO), City Engineering Office (CEO) at Solid Waste Management Unit.
Dumalo rin ang mga tagapamahala ng sementeryo ng Baliwag Catholic Cemetery, Baliwag Memorial Park, Gateway to Heaven, Golden Gate Memorial Park, Makinabang Catholic Cemetery at Mt. Zion Memorial Inc. para sa pagsulong ng #OplanLigtasNaUndas2024.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagtatalaga ng mga emergency at security areas sa mga sementeryo, katuwang ang Baliwag City PNP, Baliwag CDRRMO, BFP at BJMP para sa dagdag seguridad sa 6 na sementeryo sa bawat Brgy. sa Baliwag City at para sa mas mabilis na medical at emergency response.
Naglabas na rin ang BTMO ng Oplan Kaluluwa Traffic Guide Map na ipapatupad sa darating na Undas 2024 upang mapanatili ang kaayusan ng daloy ng trapiko sa mga kalsada na maaaring maapektuhan papuntang sementeryo sa lungsod.
Gayundin, naghanda ng mga itinalagang parking area sa mga sasakyan para maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar. Bukas sa publiko ang Baliwag Star Arena, Baliwag Government Complex, SM Baliwag City Terminal at Living Angels Christian Academy (LACA) upang mapagparadahan ng mga sasakyan.
Magsasagawa rin ng Libreng Hatid ang Pamahalaang lungsod na ang ruta ay mula sa itinalagang parking area paikot sa sementeryo para maghatid ng libreng sakay sa mga Baliwagenyo na dadalaw sa sementeryo at pabalik sa kanilang pinagparadahan. Ito ay magsisimula mula 7:00 ng umaga hanggang 12:00 ng hatinggabi.
Ang Pamahalaang lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie V. Estrella ay naglalayong masiguro ang kaligtasan, kapayapaan at kalinisan sa paggunita sa Oplan Kaluluwa 2024. Muling pinapaalalahanan ang mga Baliwagenyo na panatilihin ang kalinisan at kaayusan para sa #OplanLigtasNaUndas2024 sa lungsod.
#BaliwagCity
#Undas2024
#OplanKaluluwa2024