Sa patuloy na pagsulong ng market modernization, matagumpay na isinagawa ang oryentasyon at paglulunsad ng Paleng-QR Ph Plus noong Setyembre 24 at 25, 2024, sa Social Hall ng Baliwag Business Center, Barangay Pagala. Ang inisyatibong ito ay naglalayong gawing digital o cashless ang mga transaksyon, partikular sa mga palengke, pampulikong transportasyon, tulad ng tricycle, at iba pang negosyo sa lungsod.
Pinangunahan ni City Administrator Enrique Tagle ang unang araw ng oryentasyon, kasama sina Ms. Lourdes Laconsay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Mr. John Cris Dizon ng Department of Trade and Industry (DTI) Bulacan, at Ms. Karen Joy Rivera ng City Economic Enterprise Affairs Office (CEEAO). Lumahok din ang mga kinatawan ng mga bangko at financial service providers, na tumulong sa pagbubukas ng mga bank o e-wallet account para magamit sa QR Ph transactions.
Sa ikalawang araw, ginanap ang paglulunsad ng proyekto, sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella at Mayora Sonia Estrella, kasama sina Kon. Ogie Baltazar, BSP Cabanatuan Branch Area Director Olivia B. Cornejo Mallari, at Mr. Lebby Estrella ng DTI Malolos. Dumalo rin sina Baliwag City Department of Interior and Local Government (DILG) CLGOO Engr. Ailyn Bondoc at CEEAO Head, Ms. Karen Joy Rivera. Mahigit 80 na mga tindera at tricycle drivers naman ang nabigyan ng QR codes mula sa mga financial service providers.
Nagpahayag din si Mayor Ferdie ng kanyang makabuluhang mensahe para sa kanila, “Sa pagyakap natin sa mas modernong palengke at pamamasahe, ibabalik natin ang pamilihan sa mga tindera, at ang kalsada sa mga driver.” Ito ay bahagi ng kanyang adhikain na gawing mas madali at ligtas ang mga transaksyon para sa lahat, mula sa mga mamimili hanggang sa mga tindero, at pati na rin sa mga tricycle drivers.
Inaasahang sa mga darating na buwan, magiging ganap na handa na ang Baliwag City para sa malawakang pagpapatupad ng Paleng-QR Ph system, kasabay ng pagpapasinaya sa bagong Baliwag City Public Market, na magpapasulong ng digital payments bilang bahagi ng pang-araw-araw na kalakalan at transportasyon sa lungsod.
Bukod dito, nagsagawa rin ng Piso Caravan ang Producers Savings Bank Corporation at BSP Cabanatuan Branch kung saan pinalitan ang mga sirang pera ng malinis o e-wallet credits. Sa kaganapan din na ito, iprinisenta ni CEEAO Head, Ms. Rivera, na kasalukuyan ding Local Economic Development and Investment Promotions Officer ng lungsod, kay Mayor Ferdie ang mga parangal na nakamit ng Baliwag City, kabilang ang pagiging 1st runner-up Most Business-Friendly City Award sa Manila Times at Top Seller, LGU Category sa BUFFEX.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie, ang digital transformation upang mapabuti ang pamumuhay ng mga Baliwagenyo at suportahan ang paglago ng lokal na ekonomiya.
#BaliwagCity