Sa pagtatapos ng week-long birthday celebration ni Mayor Ferdie V. Estrella, isang patimpalak ang inihandog niya para sa Bulacan-based mixed (SATB) choirs na nagtagisan ng kani-kanilang husay sa larangan ng pag-awit, sa kauna-unahang Baliwag Choral Competition na MusiKapistahan noong ika-14 ng Setyembre sa Baliwag Star Arena.
Nilahukan ito ng 7 chorale groups na matagumpay na nakapasa sa audition. Narito ang mga natatanging grand finalist na nagtagisan ng galing sa MusiKapistahan:
- Sagrada Familia Grand Chorale – Conductor Mr. Dante Magdalena
- Inmaculada Concepcion de Malolos Chamber Singers – Conductor Mr. John Oliver Ople
- Bulacan Master Chorale – Conductor Mr. Jeandro Rabang
- Himig Bulakenyo – Conductor Mr. Reginald Nicolas
- Coro De La Inmaculada Concepcion – Conductor Mr. Jim Andrew Santiago
- Koro Nasyonalyan – Conductor Mr. Enricke Joshua Arcega
- Musiqueño – Conductor Mr. Nelson Dela Cruz
Bilang pagdiriwang sa husay at talento ng mga Baliwagenyo sa larangan ng pag-awit, binuksan ni Mayor Ferdie ang patimpalak na ito kung saan ibinahagi rin niya ang kanyang proyektong nais isulong para sa mga talentadong Baliwagenyo choirs.
“Kaya naman po naisip ko na isa pong magandang proyekto ay gusto ko pong magpagawa ng isa pong studio na kung saan kumpleto po ng gamit, may drums at guitars para po ng sa gano’n ay kung gustong mag-jamming o mag-practice ng mga taga-Baliwag kapag pupunta po sila doon ay libre, wala pong bayad. Isang pamamaraan po ito para makahikayat tayo ng mga kabataang Baliwagenyo na talaga naman pong alam ko na dito sa Baliwag maraming talented kaya gusto ko ma-enhance lalo ang kanilang talento, magkaroon sila ng avenue o lugar para sila ay tumugtog at hindi natin alam baka pagdating ng panahon ay maging kilalang kilala rin kagaya ng mga sikat na banda ngayon”, ani Mayor Ferdie.
Samantala, binubuo ang mga hurado na kumilatis sa mga mang-aawit ng mga propesyunal sa larangan ng musika na sina Ma. Maria Pilar Charlene P. Ramos – Philippine Madrigal Singers, Dr. Arwin Q. Tan – Associate Professor of Musicology in College of Music University of the Philippines (UP) Diliman at Mr. Jonathan Velasco – Board of Trustees of the Cultural Center of the Philippines.
Naghandog naman ng paunang regalo sina Mayor Ferdie at Congw. Ditse Tina Pancho ng tig-sasampong libong piso para sa bawat koro, bukod pa sa limang libong piso na consolation prize sa patimpalak.
Sa huli, nakamit ng Bulacan Master Chorale ang ikatlong pwesto at nag-uwi ng 20,000 at tropeyo, Musiqueño naman ang nagkamit ng ikalawang pwesto na nagkaroon ng 30,000 at tropeyo, at ang Inmaculada Concepcion de Malolos Chamber Singers naman ang itinanghal na kampyeon at nag-uwi ng grand prize na nagkakahalagang 50,000 at tropeyo.
Kabilang din sa mga dumalo sa patimpalak si Mommy Sonia Estrella, kasama sina Kon. Bhang Imperial, Kon. Ogie Baltazar — na nagpaunlak ng isang maikling pagbati bilang Chair of the Committee of Tourism Arts and Culture of Baliwag City Sangguniang Panglungsod, kinatawan ni Vice Governor Alex Castro na si Ms. AJ Manalad, at si Mr. Richmond Montilla, na nagbigay ng mensahe bilang Founder and Conductor Hinabing Himig Baliwagenyo.
Sa pamamagitan ng patimpalak na ito, naipakita ang buhay na buhay na turismo at sining sa lungsod. Isa sa mga adhikain ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie, ang pagpapalawig ng mga programa para mai-promote ang natatanging talento sa pag-awit ng mga Baliwagenyo.
#BaliwagCity
#TurismoNgBaliwag
#Musikapistahan2024
#HappyKaarawanGoalsNiMayorFerdieYear9