Kaugnay ng pagdiriwang ng Breastfeeding Awareness Month ngayong Agosto, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, sa pangunguna ng City Nutrition Action Office (CNAO), ang Latch On Baliwag 2024 noong ika-24 ng Agosto sa Baliwag Star Arena.

Dumalo rito ang 585 pregnant and breastfeeding moms mula sa lungsod, na sabay-sabay na nagsagawa ng breastfeeding bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal at dedikasyon sa kanilang mga anak. Bukod dito, hinandugan din sila ng libreng almusal, gamot, dental check-up, at iba’t ibang regalo mula sa programa.

Bilang isang certified breastfeeding mom, ibinahagi ni Mayora Jonnah Nubla-Estrella ang mga benepisyo nito sa kalusugan ng kanyang mga anak na sina Franco at Romeo, na naging dahilan ng kanilang pagiging mas malakas, malusog, at aktibo. Ibinahagi rin niya ang positibong epekto nito sa kanyang katawan, lalo na sa pagpapanatili ng slim body, na isang benepisyo para sa mga kapwa niya ina.

Nagsilbing Resource Speaker si Dr. Maria Asuncion Silvestre upang magbigay ng talakayan patungol sa kahalagahan ng Unang Yakap and Kangaroo Mother Care na dapat ay maging gabay ng mga ina at magiging ina.

Samantala, dumalo rin sa programa sina Ms. Balbina Borneo at Ms. Mary Grace San Luis, National at Bulacan Chapter Presidents ng Mother and Child Nurses Association of the Philippines, Inc. (MCNAP), at sina Dr. Ronaldo Nuñez at Dr. Migen Joseph Penano, National at Bulacan Chapter Presidents ng Philippine Dental Association (PDA).

Ang Latch On Baliwag ay taunang programa ng Pamahalaang Lungsod na naglalayong i-promote ang breastfeeding sa pamamagitan ng family and community empowerment gamit ang iba’t ibang pamamaraan.

#BaliwagCity