Pinangunahan ng Baliwag City Nutrition Office katuwang ang  JCI Baliwag Buntal ang pagsasagawa ng Kangaroo Father Care Seminar na dinaluhan ng 20 first-time parents, upang palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pangangalaga sa kanilang mga sanggol, noong ika-20 ng Hunyo, sa Baliwag Business Center.

Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng Essential Intra-Partum Newborn Care o “Unang Yakap”, isang protocol na ipinatutupad ng Department of Health (DOH) na ngayon ay isinabatas na sa lungsod ng Baliwag sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod  Resolution No. 96, s. 2023. Layunin nito na mabawasan ang mga kaso ng maagang pagkamatay ng mga sanggol sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang kalinga pagkatapos ng kapanganakan.

Ipinakilala rin sa seminar ang konsepto ng Kangaroo Father Care, na naglalayong palawigin ang mga prinsipyo ng “Unang Yakap” matapos ang kapanganakan. Tinalakay ang mga benepisyo ng skin-to-skin contact, hindi lamang para sa mga sanggol kundi maging sa mga ama. Ipinaliwanag din kung paano ito makatutulong sa paglaki at pag-unlad ng bata, at sa pagpapabuti ng pisikal at mental na kalusugan ng mga ina.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ay patuloy sa pagtataguyod ng mga mahahalagang kasanayan sa kalusugan para sa mga first time parents sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad tulad nito upang matiyak ang mas malusog na kinabukasan ng mga bata at suportahan ang mga bagong magulang at sanggol.