Sa isang matagumpay na pagdiriwang ng Barangay BIDA (Best Initiatives for Development Awards), pinarangalan ang mga barangay na nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa iba’t ibang aspeto ng serbisyo publiko. Ang seremonya, na ginanap noong Mayo 30 sa Baliwag Star Arena, ay pinangunahan ni Mayor Ferdie Estrella at dinaluhan ng iba’t ibang opisyal ng lungsod.

Ilan sa mga kategoryang pinagkalooban ng parangal ay ang Health & Nutrition, Financial Administration, Youth Development, Peace & Order, Environmental Management, Business Friendliness bukod sa iba pa. Ang Barangay Catulinan ang naging bituin ng programa matapos makuha ang tatlong pangunahing parangal.

Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, “Ang Barangay BIDA ay hindi lamang isang paligsahan, kundi isang sukatan ng mabisang pamamahala na maaaring tularan ng iba. Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, nais nating hikayatin ang bawat barangay na pagbutihin pa ang kanilang mga serbisyo at patuloy na maglaan ng serbisyong may malasakit.”

Sa pagtatapos ng seremonya, ipinahayag ni Mayor Ferdie ang kanyang kahandaang makipagtulungan sa 27 barangay ng lungsod upang masiguro ang mahusay na serbisyo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng lideratong may malasakit at dedikasyon.

#BaliwagCity
#BarangayBIDA2024