Opisyal nang sinimulan ang pasiklaban ng humigit 2 libong estudyante mula sa iba’t ibang pribadong paaralan sa lungsod para sa ikalawang Baliwag City Private Schools Association (BaCiPriSa) Cultural, Academic, and Athletic Meet 2024, noong ika-5 ng Oktubre sa Baliuag University Cultural and Sports Center.

Sinimulan ang programa sa pagdaraos ng isang Thanksgiving Mass sa Diocesan Shrine and Parish of Saint Augustine na agad sinundan ng parada ng mga lumahok na mga private schools. 

 

Agad naman nagtipon ang mga kalahok sa Baliuag University Cultural and Sports Center para sa Opening Ceremony ng kompetisyon na dinaluhan ni Mayor Ferdie Estrella, at nagpaabot din ng mensahe sa lahat ng delegado. 

“Sa bawat laban na inyong haharapin, nawa ay mapanatili ninyo ang diwa ng pagkakaisa, respeto, at laban sa tamang pamamaraan. Ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa medalya, kundi sa tapang na inyong ipinapakita at sa aral na inyong natututunan sa bawat hakbang ng kompetisyon”, ani Mayor Ferdie.

Sa kaniyang pangwakas na mensahe ay binigyan din ng pasasalamat ni Mayor Ferdie ang mga magulang, guro, coach, at lahat ng bumubuo ng BaCiPriSa sa walang sawang pagsuporta at gabay sa mga kabataang Baliwagenyo.

Si Palarong Pambansa 2024 Chess Silver Medalist, Marc Benedict Caleon, mula sa National University Baliwag, ang nanguna para sa pagpapasiklab ng cauldron bilang hudyat ng pagbubukas ng paligsahan. Sinundan ito ng panunumpa para sa sportsmanship na pinangunahan naman ni Palarong Pambansa 2024 Swimming Bronze Medalist na si Azula Elise Villanueva mula sa Montesorri de Sagrada Familia Inc.

Maliban dito, nagpaabot din ng kanilang mainit na pagbati sina BaCiPriSa Chairman Cynthia B. Angeles, Baliuag University President Dr. Patricia B. Lagunda, Bulacan Private Schools Association (BulPriSa) Execom President Mr. Rodel Manicad, Assistant Schools Division Superintendent OIC Ms. Rowena Quiambao, CESO IV.

Nakiisa rin sa programa sina Konsehal Joel Pascual, Konsehal Bhang Imperial, Konsehal Ogie Baltazar, at kinatawan nina Governor Daniel Fernando, at Vice Governor Alex Castro.

Suportado ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Ferdie, ang paligsahan upang maipamalas ang natatanging kakayahan at talento ng mga kabataang Baliwagenyo mula sa  iba’t ibang private schools sa lungsod pagdating sa iba’t ibang uri ng palakasan, larangang pang-akademiko at kultural na tampok sa BaCiPriSa 2024.

#BaliwagCity

#BaCiPriSa2024